kukote

dong abay

may araw na o laging gabi

sa mata ng aking kukote

sa mata ng ating kukote

gaano man kadilim

magliliwanag pa rin

nakikita ba ang bahagharing itim?

ang buwan na bulok

ang basag na bituin

naririnig din sa buong papawirin

bihag ang kulog

kidlat ay alipin

may ulap na

may gubat

may dagat pa

sa mata ng aking kukote

sa mata ng ating kukote

langit ay liliparin

kahit ang hangin ay may patalim

punong taimtim ay lilim ng lagim

pusod ay puntod

puso ay balong malalim

pagsisid ny hindi pinagsisisihan

paligid ay isang panaginip lang

umaambon

umuulan

bumabagyo

sa mata ng aking kukote

sa mata ng ating kukote

umiiyak ang diyos

sa halakhak pagkatapos

nabasa ka kaya sa patak na bumuhos?

bumaha ba ng luha sa pagpalakpak ng unos?

lumubog man ang lupa

may ilog parin na aagos

malaya ay malawak

malaya at di nakagapos

sa mata ng ating kukote

sa mata ng aking kukote

sa mata ng ating kukote

sa mata ng aking kukote

sa mata ng ating kukote

sa mata ng aking kukote

sa mata ng ating kukote